PAALALA:

Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ay nagpapaalala sa publiko hinggil sa paglitaw ng jellyfish sa mga dalampasigan at karagatan ng rehiyon, partikular tuwing panahon ng tag-init mula Abril hanggang Hunyo.
 
Isa sa mga itinuturing na delikadong uri ng jellyfish ay ang tinatawag na box jellyfish o salabay, na karaniwang matatagpuan sa mga katubigan ng bansa. Ang lason ng box jellyfish ay maaaring magdulot ng mga seryosong sintomas tulad ng hirap sa paghinga, pagkahilo, pananakit ng dibdib, cardiac arrest, respiratory failure, at maaaring humantong sa kamatayan.
 
Bilang pag-iingat, ang ahensya ay patuloy na hinihimok ang publiko na maging mapagmatyag sa kapaligiran at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad bago lumangoy sa hindi pamilyar na mga lugar. Iminumungkahi rin ang pagsusuot ng damit pangproteksyon kagaya ng rashguard upang mabawasan ang panganib ng pagkakadikit sa jellyfish.
 
Samantala, narito ang mga unang lunas sakaling madikitan ng jellyfish:
 
1. Umahon agad mula sa dagat. Banlawan ang apektadong bahagi ng katawan gamit ang tubig dagat o suka sa loob ng hindi bababa sa 30 segundo.
 
2. Maingat na alisin ang mga natitirang galamay gamit ang tsani o guwantes.
 
3. Ibabad ang apektadong bahagi sa mainit-init na tubig (hindi kumukulo) sa loob ng 20 hanggang 45 minuto upang mabawasan ang sakit at pamamaga.
 
4.Maglagay ng topical cream tulad ng hydrocortisone upang maibsan ang pangangati at pananakit.
 
5. Uminom ng over-the-counter na gamot tulad ng ibuprofen o paracetamol para sa pananakit at pamamaga.
 
6.Kung ang jellyfish sting ay tumama sa sensitibong bahagi ng katawan, dalhin kaagad ang pasyente sa pinakamalapit na ospital para sa agarang medikal na atensyon.
Views: 66