Limampu’t isang kababaihan ang matagumpay na lumahok sa isang araw na Training on Bangus Deboning na isinagawa noong Marso 30, 2026 sa Gogon, Legazpi City, bilang bahagi ng programang may temang “Babae ako, Mahalaga Ako: GAD-Led Bangus Deboning Project for Sustainable Growth in Legazpi.”
Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Legazpi, katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office 5 (BFAR 5), ang pagsasanay na naglalayong palakasin ang kakayahan ng kababaihan sa larangan ng fish processing at magbukas ng oportunidad para sa dagdag kabuhayan.
Bago ang aktuwal na pagsasanay, nagsagawa muna ng mga talakayan hinggil sa food safety, gayundin sa wastong packaging at labelling, sa pangunguna ng mga tagapagsanay mula sa BFAR 5 Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division (RFTFCD).
Sinundan ito ng hands-on training sa bangus deboning, kung saan aktibong isinagawa ng mga kalahok ang bawat hakbang ng proseso, mula sa tamang paghawak ng isda,maingat na pagtanggal ng tinik, hanggang sa pagtiyak ng kalidad at kalinisan ng produkto. Sa gabay ng mga eksperto, higit pang nahasa ang kanilang kasanayan na maaari nilang gawing mapagkakakitaan.
Bilang suporta, namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Legazpi ng mga training kits na kinabibilangan ng mosquito forceps, chopping board, kutsilyo, apron, at hairnets upang magamit ng mga kalahok sa kanilang pagsisimula.
Tinalakay rin sa aktibidad ang mga batayang konsepto ng Gender and Development (GAD) sa pangunguna ng GAD Focal Person ng lungsod, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng komunidad. Dagdag pa rito, sumailalim ang mga kalahok sa financial literacy session sa pamamagitan ng interaktibong “Fish N’ Learn Game,” na nagbigay ng kaalaman sa wastong pamamahala ng pananalapi.
Sa mensahe ni Mayor Hisham Ismail, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na suporta at kasanayan sa kababaihan. “Ang proyektong ito ay patunay na kapag binigyan natin ng tamang kasanayan at suporta ang ating mga kababaihan, hindi lamang pamilya ang umaangat kundi ang buong komunidad. Kayo ang tunay na haligi at lakas ng lungsod,” aniya.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang isa sa mga kalahok na si Glenda Anoñuevo, “Malaking tulong ang pagsasanay sa aming mga kababaihan upang madagdagan ang aming kaalaman at pagkakakitaan, bukod pa sa pagkakataong makatulong sa aming mga pamilya.”
Views: 3












