Sa patuloy na pagpapatatag ng kabuhayan sa mga komunidad, isinagawa ang isang capacity building training sa tilapia farming at floating fish cage fabrication mula Abril 20 hanggang 23, 2026 sa Barangay Paraiso, Milagros, Masbate, bilang hakbang upang palakasin ang kabuhayan ng mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Pinangunahan ang aktibidad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources–Provincial Fisheries Office (BFAR-PFO) Masbate, katuwang ang Department of Social Welfare and Development–Sustainable Livelihood Program (DSWD-SLP), bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagtutulungan para sa pagpapaunlad ng mga kabuhayang pangkomunidad.
Lumahok sa pagsasanay ang 20 miyembro ng isang organisadong SLP association sa Barangay Paraiso, kung saan ibinahagi ang mahahalagang kaalaman sa tamang pamamaraan ng pag-aalaga ng tilapia. Kasabay nito, isinagawa rin ang hands-on training sa paggawa at paglalagay ng floating fish cages na maaaring magamit sa aktuwal na produksyon.
Sa pamamagitan ng mga sesyon at praktikal na gawain, tinutukan ng mga tagapagsanay ang pagpapalawak ng kakayahan ng mga kalahok upang mapaunlad ang community-based aquaculture sa kanilang lugar.
Inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang nasabing pagsasanay upang mapalakas ang kanilang pinagkakakitaan at makapag-ambag sa mas matatag na kabuhayan sa komunidad.
Views: 4











