
BASAHIN | Patuloy ang isinasagawang monitoring ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol upang masuri ang posibleng epekto ng ashfall mula sa Bulkang Mayon sa sektor ng pangisdaan, partikular sa aquaculture. Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang opisyal na ulat mula sa mga apektadong local government units (LGUs) hinggil sa lawak ng pinsala sa mga aquaculture area sa lalawigan ng Albay.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang mga aquaculture operator at mga mangingisda hinggil sa mga posibleng epekto ng ashfall sa katubigan at mga alagang isda:
1.Pagbaba ng Kalidad ng Tubig
2. Pagbaba ng Antas ng Dissolved Oxygen
3. Pisikal na Pinsala sa mga Isda at Estruktura; at
4.Pagbabago sa pH ng Tubig
Bilang pag-iingat, inirerekomenda ang pansamantalang paghinto ng operasyon ng mga aquafarm na nasa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ). Nakatakda ring magsagawa ng pagsusuri sa kalidad ng tubig sa mga pangunahing ilog at karagatan sa oras na maging ligtas ang sitwasyon. Kasama rin sa monitoring ang pagsusuri sa kalusugan ng mga isda sa loob ng 8-kilometrong radius.
Pinaghahandaan din ang mga contingency measures, kabilang ang posibleng relokasyon ng mga alagang isda, sakaling itaas sa Alert Level 4 ang status ng Bulkang Mayon.
Mahigpit na pinaaalalahanan ng DA-BFAR Bicol ang publiko, mga aquaculture operators, at iba pang stakeholders na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga direktiba ng mga lokal na awtoridad kaugnay ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon. Hinihikayat din ang agarang pag-uulat ng anumang pinsala sa mga palaisdaan at fish cage operation sa kani-kanilang Municipal Agriculture Office o lokal na pamahalaan.
Views: 11
