Isinagawa ang dalawang araw na pagsasanay sa Hito Hatchery and Grow-Out sa Libmanan, Camarines Sur na dinaluhan ng tatlumpu’t siyam (39) na kalahok kabilang ang mga mangingisda at iba pang stakeholders. Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kanilang kaalaman at mapahusay ang kakayahan sa larangan ng aquaculture, partikular sa produksyon ng hito.
Sa unang bahagi ng pagsasanay, tinalakay ang biology, kasaysayan, at iba’t ibang uri ng hito na angkop sa aquaculture. Ipinaliwanag ang mga katangian ng bawat uri, kanilang paglaki, at kakayahang mabuhay sa iba’t ibang kondisyon ng kapaligiran. Nakatulong ito upang maunawaan ng mga kalahok ang kahalagahan ng tamang pagpili ng species para sa mas mataas na ani at kita.
Tinalakay rin ang pond preparation, management, at tamang stocking density, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na paghahanda ng palaisdaan upang maiwasan ang sakit at mapataas ang survival rate ng mga alaga. Ipinaliwanag din ang wastong pagpapakain, pagmomonitor ng kalidad ng tubig, at pangkalahatang pamamahala upang matiyak ang tuloy-tuloy at produktibong operasyon.
Sumunod na tinalakay ang induced spawning ng hito, kung saan ipinaliwanag ang teorya at agham sa likod ng artipisyal na pagpaparami. Inilahad ang mga hakbang mula sa pagpili ng broodstock, tamang pag-inject ng hormone, hanggang sa proseso ng fertilization. Ang diskusyong ito ay sinundan ng aktwal na demonstrasyon na naging isa sa mga tampok ng pagsasanay. Personal na naranasan ng mga kalahok ang buong proseso ng induced spawning, fertilization, at paglalagay ng mga itlog sa nursery, na nagbigay sa kanila ng kumpiyansa upang maisagawa ito sa kanilang sariling lugar.
Bukod dito, nagkaroon ng hands-on training sa pag-culture ng artemia, isang mahalagang live feed para sa mga bagong pisa na hito. Ipinakita ang tamang paraan ng paghahanda, pagpapapisa, at paggamit ng artemia bilang pagkain, na kritikal sa maagang yugto ng buhay ng isda upang masiguro ang mataas na survival rate.
Ang aktibidad na ito ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Bayan ng Libmanan at BFAR. Sa kabuuan, naging matagumpay at kapaki-pakinabang ang pagsasanay dahil nadagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok na maaari nilang magamit sa kanilang aquaculture operations. Inaasahan na ang ganitong uri ng aktibidad ay magpapatuloy at magsisilbing daan sa lalo pang pag-unlad ng industriya ng hito sa rehiyon.
Views: 28