TINGNAN | Pinagtibay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office 5 (BFAR 5) ang pakikipagtuwang sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng FMA 7 Livelihood Project Inter-Agency Collaborative Meeting na ginanap noong Hunyo 30, 2026 sa Legazpi City.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC), at iba pang stakeholder upang higit pang mapalawak ang pagtutulungan sa pagbibigay ng mga alternatibong kabuhayan para sa mga mangingisda, lalo na sa panahon ng closed fishing season.
Tinalakay sa pagpupulong ang Fisheries Management Area 7 at ang Proposed Harvest Control Rules bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng napapanatiling pamamahala at konserbasyon ng sardinas. Ibinahagi naman ng DTI, DOLE, at DSWD ang kanilang mga programang pangkabuhayan, tulong, at support services na maaaring makatulong sa mga mangingisda upang magkaroon ng alternatibong pinagkukunan ng kita habang ipinatutupad ang closed fishing season sa mga lugar na sakop ng FMA 7.
Ipinresenta rin ng BFAR 5 ang Training/Livelihood Needs Assessment, na magsisilbing batayan sa pagbuo at pagpapatupad ng mga livelihood interventions na tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Sa isinagawang Open Forum, nagbahagi ang mga kalahok ng kanilang mga obserbasyon, mungkahi, at mga posibleng solusyon kaugnay ng pagpapatupad ng FMA 7 Livelihood Project upang matiyak na ang mga programang pangkabuhayan ay angkop sa pangangailangan ng mga mangingisda.
Sa pamamagitan ng mga napagkasunduan sa pagpupulong, inaasahang mas mapalalawak ang mga oportunidad sa kabuhayan at suporta para sa mga mangingisda habang ipinatutupad ang closed fishing season sa loob ng Fisheries Management Area 7.
Views: 45